Sa Villa Escudero Ako Nagtungo!

Screenshot_20180820-075204
Mapa ng Villa Escudero.
Screenshot_20180823-081126
Ang oras na gugulin papuntang Villa Escudero mula sa Dalahican Port.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Maaga akong nagising at naghanda ng mga gamit na dadalhin ko sa aming fieldtrip sa Tiaong Quezon noong Nobyembre 30, 2016. Hinatid ako ni nanay at ni tatay sa tapat ng eskwelahan kung saan magkikita –kita kami ng aking mga kaklase at ng mga gurong kasama. May halo mang kaba, napawi ito ng kaunting ginhawa nang nagpaalam ang aking mga magulang bago sila umalis. At bago kami lumakad, pinangunahan ni Ma’am Borja ng isang panalangin ang aming gagawing fieldtrip upang kami ay gabayan ng Panginoon sa buong panahon ng aming biyahe. Pagkatapos ng dasal, nagbigay si Ma’am Borja ng kaunting paalala at saka pumunta sa van kung saan kami sasakay.

Pagsakay sa van, nakaramdam ako ng lamig kung kaya’t nagsuot ako ng jacket. Katabi ko sa unahang bahagi ng upuan ng van si Cherry. At habang ito ay umaandar, nagkuwentuhan kami kasama ang iba ko pang kaklase hanggang makadating kami sa Balanacan Port. Pagbaba ko ng van, kumuha kami ng ticket na nagkakahalaga ng mahigit tatlong daang piso para makasakay ako ng barko. Umupo ako sa may bandang gilid ng barko upang makita ko ang dagat. Pagdating sa Talao – Talao Port, agad kaming pumunta sa van at nagbiyahe papuntang Tiaong, Quezon. Ilang oras rin ang nakalipas at hindi pa rin kami nakakarating sa aming destinasyon. Nakaramdam kami ng gutom kung kaya’t huminto muna kami sa may Jollibee. Pagkatapos nito, nagpatuloy ang aming biyahe at sa wakas, nakarating rin kami sa aming destinasyon.

FB_IMG_1534565524465
Ako kasama ang aking mga kaklase  habang nagkukuwentuhan sa barko.

Mula sa mahabang biyahe, nakarating rin kami sa Villa Escudero at dito nagsimula ang aming kasiyahan. Pagpasok pa lang sa villa, ramdam ko na ang saya at galak sapagkat napakalawak ng lugar na iyon. Makikita ang napakahabang entrance ng lugar at mapanghalinang kulay berde na hardin. Tumigil ang aming sinaksakyan sa paradahan at pumunta ang aming mga kasamang guro sa reception hall upang ilista ang aming mga pangalan at magbayad ng entrance fee na may halagang dalawang libong piso bawat tao. Pagkatapos nito, dumiretso kami sa Heritage Village upang ibaba ang aming mga gamit at magpalit ng mga damit. Sa lugar na ito, makikita ang isang malaking mapa na nagpapakita ng kabuuhan ng lugar at napakainit na pagtanggap ng mga nagtarabaho sa lugar na ito. Tanghaling tapat na rin at kami ay gutom na mula sa mahabang biyahe kung kaya’t dumayo kami sa Labasin Waterfalls Restaurant. At mula sa entrance, nabusog na agad ang aking mga mata sa napakagandang view ng lugar. Hango pa lang sa pangalan ng lugar, isang napakagandang talon na gawa ng tao ang bubungad sa inyo. Pumunta ako sa pinagkukunan ng mga pagkain at kumuha ng nito. Hindi lang mata ang mabubusog gayundin ang iyong tiyan sa mga pagkaing nakahain sa mahabang lamesa. Sari – saring ulam ang pwedeng matikman, mayroong seafoods at karneng mapagpipilian. Narito rin ang mga panghimagas na kumumpleto sa aking tanghalian.

FB_IMG_1534565372540
Isang parke na makikita sa bukana ng Villa Escduero ang aking nadatnan pagpasok ko sa lugar na ito.
FB_IMG_1534565364262
Ako at ang aking mga kaklase habang tinitingnan ang malaking mapa ng buong Villa Escudero.
FB_IMG_1534565389240
Ito ang Labasin Waterfalls na kung saan kumain kami ng pananghalian. Kitang – kita na napakasarap ng  mga pagkain ang kanilang inihahahain sa mga bisita!

Pagkatapos ng tanghalian, nagtungo kami sa Coconut Pavilion lulan ng isang karitong hila – hila ng isang kalabaw habang tinugtugan ng isang harana mula sa mga nagtatrabaho dito. Pagkarating namin sa pavilion, nagsimula na rin ang isang cultural presentation na inihanda ng mga nagtarabaho rin dito. Nang matapos ang presentasyon, nagtungo naman ako at ng aking mga kaibigan sa rafting site. Bagaman hindi ako sumubok dahil sa may takot ako sa malalim na tubig, dama ko sa mga ngiti ng aking mga kaibigan ang saya habang sila ay nagsasagwan. Hindi rin naming pinalagpas ang pagpunta sa museo at sa loob nito makikita ang mga daang taong gamit at mga koleksiyon mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas gayundin sa iba’t ibang panig ng mundo. At bilang panghuling destinasyon, nagtungo kami sa swimming pool area at bumili ng mga pasalubong sa souvenir shop.

This slideshow requires JavaScript.

Nakakapagod man, napakasaya kung ituring ang fieldtrip na ito. Kitang – kita sa mga ngiti at halakhak ng mga kaklase ko ang pakiramdam ng isang taong nasa bakasyon. Napakaraming lugar, pagkain at mga nakilalang tao ang aming nakasalamuha. Napansin ko rin ang kasipagan ng mga nagtatrabaho sa lugar na iyon. Ang pagmamahal nila sa kulturang Pilipino ay nananatili sa kanilang dugo at maging sa mga anak nila ay namana rin. Isang pamilya na kung ituring ang lahat ng nagtatrabaho dito kung kaya’t napakagandang lugar ito upang magpalipas ng oras at maranasan ang isang bahay baksyunan na kapiling ang isang pamilya.

received_497416614056472
Ang aming huling litrato sa Villa Escudero! Sana makabalik  kaming muli.

At makalipas ang ilang oras, inihanda ko na rin ang aking mga gamit at kami ay nagtungo na ng aming sasakyan. Bagaman kaunting panahon lang ang aming inilaan sa pagpunta rito, bakas naman sa aming mga mukha ang saya na aming napulot sa paglalakbay na ito. Mapagod man ngunit may saya kung ituring ang pagpunta namin sa Villa Escudero.

Leave a comment

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

Design a site like this with WordPress.com
Get started